Mga kabombo! Isa ka rin ba sa mga hindi nagpapatalo pagdating sa activities?
O kaya’y nasubukan niyo na ba ang larong “show and tell”?
Isang pampublikong paaralan kasi sa United Kingdom ang pansamantalang inilikas kamakailan matapos magdala ng granada ang isang batang lalaki sa gitna ng kanilang classroom activity na “Show and Tell.”
Hindi ito eksena mula sa isang pelikulang pang-digmaan — tunay itong naganap sa Osmaston Church of England Primary School. Sa gitna ng masayang pagpapakita ng mga laruan, libro, at stuffed animals, biglang inilabas ng isang estudyante ang isang lumang granada na, ayon sa ulat, ay mula pa sa panahon ng World War II.
Ang Show and Tell, na karaniwang idinadaos upang palakasin ang kumpiyansa ng mga mag-aaral sa pagsasalita, ay nagmistulang “Bomb and Tell” sa pagkakataong ito.
Ayon kay Head Teacher Jeanette Hart, agad siyang umaksyon nang makita ang naturang bagay kahit pa hindi ito sigurado kung aktibo pa, kaya minabuti niya itong inilayo sa mga bata.
Maingat niyang inilagay ang granada sa likod ng isang puno sa parking lot, habang nag-aantay ng mga awtoridad at agad namang rumesponde ang pulisya at bomb disposal unit.
Sa kabutihang palad, matapos ang pagsusuri gamit ang X-ray equipment, napag-alamang deactivated na ang granada — nangangahulugan na wala na itong kakayahang sumabog.
Ayon sa mga awtoridad, walang masamang intensiyon ang bata. Sa katunayan, tila isang inosenteng pagtatangkang ma-“impress” ang kaklase ang naging dahilan ng kanyang “historical” na kontribusyon sa klase.