Bombo Radyo Dagupan – Nasawi ang isang security guard sa bayan ng Bugallon, Pangasinan matapos itong makipagbarilan sa kapwa nito security guard.


Ayon kay Pmaj. Ramsey Ganaban, Officer in Charge sa Bugallon Police Station, nangyari ang insidente bandang 1:37 ng madaling araw sa bahagi ng solar power plant sa brgy. Gueset, sa naturang bayan.


Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, bago mangyari ang insidente ay parehong nakaduty ang dalawang security guard kung saan ay nagkaroon ang mga ito ng hindi pagkaka-unawaan sa kanilang naganap na pag-uusap gamit ang kanilang handheld radio.

--Ads--


Nang umabot ito sa isang komprontasyon, biglang binaril ng security guard na si Jefferey gamit ang isang caliber 38 revolver na baril ang kapwa nito security guard na kinilalang si Nelson, at matapos nito ay agad namang gumanti si Nelson gamit ang isang 12-gauge shotgun.


Bilang resulta, parehong nagtamo ng tama ng bala ang mga ito at agad na dinala sa isang pagamutan sa bayan ng Lingayen, Pangasinan para sa medikal na lunas, ngunit idineklara ng Dead on Arrival si Jeffrey.


Narecover mula sa crime scene ang isang unit ng 12-gauge shotgun at tatlong fired shells, isang unit ng caliber .38 revolver, tatlong live ammunition at tatlong fired cartridge cases nito. Ang mga ito ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Bugallon Police Station para sa kaukulang disposisyon.