Mga kabombo! Naniniwala ka ba sa mga ‘miracle baby’?

Pero paano na lamang ang tinawag na miracle baby matapos umanong ipanganak ng 2 beses?

Ito kasi a ng nangyari sa isang 32-anyos na babaeng kinilalang si Lucy Isaac matapos matuklasang mayroon pala itong ovarian cancer.

--Ads--

Ayon sa ulat, sa isang mala-pelikulang pangyayari, nailigtas ang buhay ng isang guro at ng kanyang dinadalang anak matapos isagawa ang isang napakabihirang operasyon. Kung saan, pansamantalang inalis ang kanyang matris, habang naroon pa ang kanyang limang buwang sanggol!

Dahil mapanganib na ipagpaliban ang gamutan, nagdesisyon ang mga doktor sa John Radcliffe Hospital na gawin ang imposible — alisin ang kanyang matris kasama ang sanggol, operahan ito sa labas ng katawan, at ibalik ito matapos tanggalin ang mga tumor.

Habang nasa labas ng katawan ni Lucy, inalagaan ng 15-kataong medical team ang kanyang sinapupunan gamit ang warm saline packs para manatiling buhay si baby Rafferty. Halos dalawang oras itong nasa labas ng kanyang katawan — mas matagal pa sa anumang naitalang kaso sa buong mundo!

Pagkatapos ng matagumpay na operasyon, ibinalik ang kanyang sinapupunan at isinara ang kanyang tiyan.

Ngayong taon, ipinanganak umano ang sanggol na kinilalang si Rafferty Isaac, isang malusog na sanggol na 6 pounds ang timbang.

Ayon sa doktor, isang beses lang sa isang dekada nangyayari ang ganitong klaseng kaso — at ang kanilang tagumpay ay nagbigay-asa sa daan-daang kababaihang humaharap sa parehong pagsubok.