Agad na binawian ng buhay ang isang sales manager ng isang kumpanya ng softdrinks, matapos itong pagbabarilin sa Sitio America, Brgy. Bonuan Binloc dito sa lungsod ng Dagupan.
Kinilala ang biktima na si Roy Fabia, 42 anyos, isang sales manager ng isang kumpanya ng softdrink sa bayan ng Calasiao, at residente ng Brgy. Paluwa, Mangaldan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad na nagdeliver ang biktima sa kanilang warehouse dito sa lungsod sakay ng isang puting van kasama ang isang katrabaho nito na kinilalang si Raymund Paraguas, 41 anyos, partner supervisor, nang bigla silang sundan ng isang SUV na lulan ang apat na suspek at pinaputukan.
Kinalunan lumabas ang biktima at kasama nito dahilan upang habulin sila at muling pagbabarilin ng mga suspek na dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Dagupan Newsteam, nasa 22 basyo ng bala mula sa cal. 45 at M16 ang nabilang sa crime scene.