DAGUPAN CITY- Naging matagumpay ang ikinasang buybust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan sa Brgy. Bonunan Binloc, sa lungsod ng Dagupan matapos makumpiska ang nagkakahalagang P350,000 na illegal na droga o may bigat na 50 grams.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Retchie Camacho, Provincial Officer ng nasabing ahensya, kinilala sa alyas “Jayson” ang suspek at isa itong Person With Disability (PWD).
Aniya, simula Disyembre ng nakaraang taon pa nang minamanmanan na nila ito hanggang sa makalipas ang selebrasyon ng Bagong Taon ay humantong na sila sa pagkakasa ng operasyon.
At sa kanilang monitoring ay lumalabas na umaabot sa P200,000-P400,000 ang maaaring halaga na naibebenta ng suspek.
Sa ngayon ay mayroon na rin silang nakikitang lead na makakapagtukoy kung sino ang source nito ng kaniyang binebenta na hinihinalang shabu.
Kaugnay nito, galing umano sa iba’t ibang bayan ang pinagkukuhanan nito.
Bagaman ito ang kauna-unahang beses na mahuli ng suspek, subalit mayroon naman record ang kamaganak nito noong 2016 sa parehong kaso.
Samantala, patuloy ang kanilang information dissemination drive hanggang sa magkaroon ng impormasyon upang ikasa ang buybust operation.
Tinitiyak naman ni Camacho na magiging confidential ang pagkakakilanlan ng magsasabi sa kanila ng impormasyon kaugnay sa mga illegal na aktibidad ng droga.