DAGUPAN CITY- Himas rehas ngayon ang isang 31-anyos na pulis mula Taguig, Metro Manila matapos paslangin nito sa bayan ng Bayambang ang di umanoy nililigawang 24-anyos na babae.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Col. Rommel Bagsic, Chief of Police ng Bayambang PNP, natagpuan na lamang ang bangkay ng babaeng biktima sa Sitio Pocdol sa Barangay Bani, sa nasabing bayan.

Aniya, naniniwala silang higit limang oras na itong patay nang kanilang matagpuan.

--Ads--

Ayon naman sa mga saksi, nagtatalo umano ang dalawa sa waiting shed malapit sa pinangyarihan ng pagpaslang.

Ang biktima ay nagtatrabaho bilang radtech nurse sa nasabing syudad at ito ay tubong Zamboanga. Ang suspek naman ay isang pulis sa parehong syudad.

Pinanghahawakan ng kapulisan na binaril ito ng suspek matapos nilang marecober ang isang empty bullet shell ng 9mm pistol sa crime scene.

Sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon, katuwang ang kapulisan ng syudad ng Taguig, napag-alaman nilang may personal na relasyon ang suspek sa biktima.

At sa tulong pa ng kasintahan ng biktima, residente ng Zamboanga, kanilang nakumpirma na nililigawan umano ng suspek ang biktima.

Ani Bagsic, ang huling mensahe ng biktima sa kastinahan nito ay ang pagpapaalam na magbabaksyon sa lalawigan ng Pangasinan upang magdagat at balikan lamang ito.

Lalo pang tumibay ang ebidensya ng kapulisan matapos makakuha ng mga cctv footages ng kanilang pagkikita at pagbyahe mula Taguig patungong bayan ng Bayambang.

At sa pagdaan ng suspek sa intersection sa bayan ng Basista ay mag-isa na ito.

Giit man ng suspek na on-duty ito nang mangyari ang krimen subalit, hindi ito nagtutugma sa nakalap na mga ebidensya.

Kasalukuyan na itong nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ ng kaniyang unit habang hinaharap ang kaso nito.