Hanggang saan ba aabot ang inyong pagkayamot, mga ka-Bombo?

Kakaiba kasi ang naging reaksyon ng isang professional golfer sa gitna ng proseso ng diborsyo nito sa kanyang asawa.

Inamin kasi ni Francis McGuirk na sinadya niyang sunugin ang kanilang bahay para hindi iyon mapunta sa misis na si Sarah sa oras na tuluyan na silang maghiwalay.

--Ads--

Ginawa ito nii Francis sa kanyang bahay sa Dover District sa Kent na nasa southeast England kamakailan.

Dahil walang tao sa kanilang pag-aari ng mga oras na iyon, ay mabilis nitong naisakatuparan ang kanyang balak. Ngunit bago ito, ay nagpadala ito ng voice message kay Sarah na susunugin niya ang kanilang bahay.

Sinabi rin nito na ihahagis niya palabas ng kanilang bahay ang kanilang alagang aso na si Dolly upang hindi ito madamay sa sunog.

At hindi nga nagbibiro si Francis dahil matapos niyang ipadala ang mensahe ay sinunog nito ang kanilang bahay sa seafront lot na nagkakahalaga ng $1.4-million o katumbas ng nasa P81,798,400.

Sa kabutihang-palad, napansin ito ng kanilang kapitbahay na kaagad namang nakatawag ng mga bumbero.

Matapos ang insidente ay nademanda si Francis na humarap kamakailan sa pagdinig.

Sa testimonya ng isang bumbero na unang dumating para mag-apula sa sunog, sinabi umano sa kanya ni Francis na sinunog nito ang bahay para walang makinabang dito kapag naghiwalay na silang mag-asawa.