DAGUPAN CITY- Napatawan na kahapon ng “indefinite suspension” ang isang poultry farm sa bayan ng Manaoag dahil sa hindi pagsunod sa sanitary code o sanitary protocols sa pag-ooperate ng kanilang manukan.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na may mga report nanaman sa kanilang tanggapan tungkol sa problema ng pagdami ng langgaw.
Bilang hakbang ay muli nilang binuo ang Task Force kontra langgaw o Task Force ALIS (Anti-Langgaw Infestation Services) batay sa Executive Order no. 09 series of 2025.
Aniya, mas pinaigting nila ngayon ang pagmonitor sa halos 9 na poultry farm sa 5 barangay dito gaya ng Babasit, Lipit Sur, Lipit Norte, Baritao, Inamotan, Mermer, at Cabanbanan dahil hindi ngayon normal paglabas at pagdami ng langgaw sa kanilang nasasakupan.
Hindi na muna papayagang mag-operate ang nasabing manukan sa bisa ng Executive Order no. 14 series of 2025 na ininisyu ng Office of the Mayor hangga’t hindi pa makitaan ng pagsunod sa mga regulasyon.
Samantala, nakitaan naman ng pagsunod ang ilang mga poultry farm sa bayan ngunit inaasahang magpapatawag ng pulong ang alkalde sa mga poultry owners at kasamahan sa Task Force para mapag-usapan pa ang ilang hakbang sa pagtutok sa ganitong problema.