Matagumpay na naisagawa ng Pangasinan Criminal Investigation and Detection Group ang isang entrapment operation kung saan ay nahuli sa akto ang isang pekeng dentista na nagkakabit ng mga orthodontic braces sa murang halaga nang wala namang kaukulang mga papeles at dokumento mula sa Philippine Regulation Commission (PRC).
Sa naging panayam kay PMaj. Allanvrix Casia, ang tumayo bilang Team Leader ng nasabing imbestigasyon, sinabi nito na ikinasa nila ang nasabing entrapment operation – kung saan ay nagpanggap ang isa nilang kasamahan bilang kliyente na magpapakabit ng braces – matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa Philippine Dental Association-Pangasinan Chapter na siya namang naging katuwang nila sa paghuli sa suspek.
Base naman sa inisyal na imbestigasyon ng Pangasinan CIDG at PDA-Pangasinan Chapter, lumalabas na ilang buwan na ring isinasagawa ng suspek ang ilegal na aktibidad na sinimulan rin lamang niya nitong taon, matapos itong matuto umano kung paano magkabit ng orthodontic braces sa pamamagitan ng panonood ng videos online. Dagdag ni Casia na gumamit ang suspek ng online platform upang makahikayat ng mga kostumer habang ginagawa lamang nito ang mga inaalok na mga orthodontic braces sa sarili nitong tirahan.
Sinabi pa ni Casia na ang mga materyales na ginagamit ng suspek sa pag-gawa ng mga DIY na mga orthodontic braces ay halos pareho rin lang sa mga kagamitan ng mga lehitimong mga dentista. Subalit malaki rin ang pagkakaiba ng mga ito lalo na’t unsanitary ang mga ginagamit nito kumpara sa mga materyales ng mga lisensyadong dental practitioners at hindi rin nito nasusunod ang mga proper at safety procedures sa pagkakabit ng mga nasabing braces sa mga kliyente nito.
Lumalabas din sa imbestigasyon na nakuha lamang ng suspek ang mga materyales na ginagamit nito sa paggawa ng mga orthodentic braces sa online shops dahil may suki na rin ito dito. Umamin naman ang suspek na marami na rin itong nabiktima at nakabitan ng mga unsanitary orthodontic braces, subalit humina naman ang ginagawa nitong iligal na aktibidad dail nagsimula na rin ang pasukan. Hindi na rin pumalag ang suspek nang nahuli ito dahil aminado ito na hindi naman siya isang lisensyadong dentista.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan ang nasabing suspek na haharap sa kasong may paglabag sa Article 5, Section 33 ng Republic Act 9484 o ang Philippine Dental Act of 2013.