Napili ang isang Pangsinense mula sa Sta. Barbara bilang representative ng Pilipinas para sa gaganapin na Mrs. Tourism International sa bansang Thailand sa Setyembre 22.


Sa naging panayam kay Cyren Bales, itinalaga siya ng MEGA Productions bilang kinatawan ng bansa para sa naturang patimpalak dahil sa isinusulong nitong adbokasiya para sa mga single mothers kung saan ay nagtuturo ito sa kanila ng iba’t ibang livelihood progams at nagsasagawa rin ito ng mga feeding programs para sa mga bata sa mga bahay-ampunan.


Binigyang-diin pa nito na ang pagkakatalaga sa kanya bilang kinatawan ng Pilipinas para sa nalalapit na Mrs. Tourism International 2022 ay upang mabigyan ito ng mas malaki pang pagkakataon na marami pang matulungan na mga bata sa pamamagitan ng adbokasiya nito.

--Ads--


Nagsimula naman ang preparasyon ng mga kalahok sa nasabing pageant noon pang nakaraang taon, habang nagsimula na rin ang kanilang photoshoot para sa posting sa kanilang online page. Dagdag pa ni Bales na sinimulan na rin nila ang pagbisita sa mga lugar sa Visayas at Mindanao, at gayon na rin ang preparasyon para sa presentation para sa Luzon.

Saad pa ni Bales na may kabuuang 16 na kandidata ang lalahok sa nasabing patimpalak kung saan ay makakasama nito ang mga kinatawan ng iba’t ibang bansa gaya ng US, Canada, Mexico, at Spain.


Nagpahayag naman si Bales ng kaligayahan sa pagsuporta sa kanya ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga bumubuo sa kanyang team gaya ni Milton Salinas. Lubos din naman ang pasasalamat ni Bales kay Mayor Ricardo Balderas ng Laoac, Pangasinan at gayon na rin ang iba pang mga alkalde ng iba’t ibang bayan na nagbigay din ng suporta sa kanya.


Naging inspirasyon naman ni Bales ang pagsali sa naturang kompetisyon ang adbokasiya nito na pagtulong sa mga bata, partikular na ang mga orphans o mga ulila na. Batid nito na sa ganitong paraan ay mas makakatulong pa siya sa mga bata at gayon na rin sa mga single parents na maging boses nila bilang isa na nga ring single mother.

TINIG NI CYREN BALES