Milton Salinas receives award from 21st Annual Gawad Amerika Awards Night

Ginawaran ng parangal ang isang Pangasinense na isa ring dating Barangay SK Official, bilang Most Outstanding Fashion Stylist/Designer, Runway Coach and Creative Designer sa nakalipas na The 21st Annual Gawad Amerika Awards Night.
Sa naging panayam kay Milton Milo Salinas, na isang residente ng Manaoag, Pangasinan magkahalo ang labis na gulat at tuwang naramdaman nito nang igawad sa kanya ang nasabing parangal dahil hindi nito inakala na magkakaroon o makakatanggap siya ng napakagandang pagkilala sa larangan ng fashion industry.
Dagdag pa ni Salinas na madalas ay mga celebrities at mga sikat na indibidwal sa Amerika ang binibigyang pagkilala sa naturang awarding ceremony, kaya’t di nito maiwasan na ilarawan ang nararamdaman hinggil dito bilang overwhelming.
Sinabi pa niya na wala naman siya sa recognition list dahil ang nais lamang nito ay ibigay ang nararapat para sa iba at ibigay ang lahat ng kanyang makakaya para sa mga show na pinangungunahan nito.
Sinabi rin ni Salinas na hindi niya inasahang mayroong magno-nominate sa kanya kaya’t ganon na lang ang pagka-sorpresa niya nang makatanggap ito ng mga pagbati sa maraming tao gaya na lang ng Manaoag LGU na pinamumunuan ngayon ni Mayor Ming Rosario at Vice Mayor Kim Amador
Magugunita na si Milton Salinas ang naging Director ng Miss Earth Canada noong 2019, at isa rin sa mga naging director ng Balangay Filipino-Canadian Awards Night.
Nang muling magbukas ng borders ang Canada matapos ang banta ng pandemic ay nagkaroon siya ng pagkakataon na bumalik sa nasabing bansa at nagkaroon ito ng dalawang shows kung saan ay nakasama naman niya ang kilala ring Award Winning International Fashion Designer mula rito sa Pilipinas na si Edwin Uy.
Pinangunahan ni Salinas ang pag-showcase sa koleksyon nito kung saan ay tampok ang mga dinisenyo niyang mga Filipino textiles o mga kasuotang gawang Pinoy.
Pinangunahan niya rin ang pag-iestilo, pagti-train, at pag-direct sa mga models at iba pang miyembro ng Filipino community sa Canada na lumahok sa kanyang unang show sa Clarion Hotel sa Calgary noong July 19, at gayon din ang naging event nito sa West Edmonton Mall Show noong July 31, kung saan naman ay nakasama niya ang Philippine Business Soceity of Alberta, Philippine Arts Group, Bayanihan Dance Group at ilan pang mga asosasyon.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang pagti-training ni Salinas sa mga modelo na sasabak sa iba’t ibang pageants sa Canada.