Overwhelming.
Ganito isinalarawan ni Lexi Austria ang kanyang karanasan sa pagrampa sa Manhattan Fashion Week bilang kauna-unahang Filipino transwoman na nakasali sa nasabing event sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Saad nito na isang malaking karangalan ang mabigyan ng pagkakataon na makasali at irepresenta hindi lamang ang lalawigan ng Pangasinan kundi ang buong Pilipinas sa Manhattan Fashion Week.
Aniya na hindi niya inaasahan ang mapasama sa naturang event dahil nag-enroll lamang siya sa GHD Modelling Agency upang mahasa ang kanyang runway at modelling skills, subalit hindi niya lubos akalain na magugustuhan ng organizer ng event at ng agency ang telento nito na nagtulak sa kanila upang irehistro siya sa nasabing Fashion Week na isa sa itinuturing na pinakamalaking event sa larangan ng fashion.
Dagdag pa ni Austria na naging supportive naman ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa kanyang pagsali sa Manhattan Fashion Week, kung saan ay nagvolunteer pa ang ilan sa kanila na maging personal make-up artist nito.
Bagamat may ilang negative comments din itong natatanggap aniya ay hindi naman niya ito hinayaang makaapekto sa kanyang naging paglahok sa naturang event dahil marami naman siyang kaibigang nakaagapay at taimtim na nakasuporta sa kanya.
Kaugnay nito ay lubos din ang pasasalamat ni Austria sa kapwa Pilipino nito na si Simon Christopher Andres na nagtiwala sa kanya at nagsilbi rin bilang fashion designer niya sa Manhattan Fashion Week.
Ikinatuwa rin niya na siya ang napili na huling rumampa sa naturang event na itinuturing naman sa fashion industry bilang “save the best for last”.