DAGUPAN CITY – Muli na namang nakarekober ng shabu ang mga residente sa bayan naman ng Agno, Pangasinan.

Ayon kay Atty Benjamin Gaspi, Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region I, sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan, isang concern citizen ang nakakita sa halos lusaw nang droga na nakalagay sa isang plastic pack sa kahabaan ng dalampasigan ng Sitio Ilog, Barangay Boboy, sa bayan ng Agno.

Sinabi ni Gaspi na kusang dinala at sinurender na ito ng nasabing concern citizen sa Agno municipal station at isinailalim na sa proper inventory at documentation.

--Ads--

Pinaniniwalaan na kasama ito sa mga naunang naglutangang pakete ng droga na narekober ng mga mangingisda sa karagatan ng ilang bayan sa Western Pangasinan.

Maaring nahuli lamang itong nakita ng mga concerned citizen.

Paliwanag ni Gaspi na hindi lang kasi isa ang direksyon ng alon kaya nagkalat ang mga ito.

Samantala, patuloy na nanawagan ang Philippine Drug Enforcement Agency sa publiko na kung may mataan na mga kahina hinalang mga shabu ay huwag mag atubiling ipasakamay sa mga law enforcement agency.

Matatandaan na 57 mangingisda mula sa bayan ng Bolinao, Agno, at Bani, Pangasinan ang nagsurrender ng nakita nilang bulto-bultong mga shabu sa karagatan ng Western Pangasinan

At dahil sa kanilang katapatan sila ay pinarangalan at binigyang pagkilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Personal na iginawad ni PDEA Director General Isagani Nerez ang handog na grocery items habang limang libong pisong insentibo naman ang ibinigay ni Pangasinan Gov. Ramon Guico III, at karagdagang limang libong piso mula sa lokal na pamahalaan ng Bolinao para sa mga naturang mga mangingisda.