DAGUPAN CITY- Suspendido ng buong araw ang klase sa Our Lady of Grace School sa Brgy. Manzon, San Carlos City, matapos makatanggap ng ulat ng umano’y bomb threat ang San Carlos City Police Station (CPS) isang gabi bago ito.

Ayon kay Plt.Col. Zaldy Fuentes, hepe ng San Carlos City Police, iniulat ng isang ginang ang natanggap niyang mensahe sa Facebook Messenger mula sa isang Grade 9 na estudyante.

Nakasaad sa mensahe na may nakatanim na bomba sa loob ng paaralan at sasabog ito anumang oras.

--Ads--

Aniya na matapos matanggap ang ulat, agad na kumilos ang mga kapulisan.

Personal nilang pinuntahan ang paaralan at kinausap ang school head.

Pinatawag din ang mga guro at ilang estudyanteng sangkot, kabilang ang mga magulang ng mga menor de edad.

Ayon kay Fuentes, nag-request sila ng bomb paneling mula sa Explosives and Ordnance Division (EOD), na agad nagsagawa ng masusing inspeksyon sa buong paaralan.

Sa kabutihang-palad aniya, walang natagpuang anumang uri ng pampasabog sa lugar at agad itong idineklarang cleared matapos ang operasyon.

Dahil sa insidente, naglaan din ng police visibility sa paligid ng paaralan bilang bahagi ng seguridad.

Samantala, kinumpirma ni Fuentes na hindi konektado ang insidente sa isa pang bomb threat na naiulat sa bayan ng Mangaldan sa parehong araw, at itinuturing itong isang isolated case.

Nilinaw ng pulisya na biro man o hindi ang naturang mensahe, seryoso nilang tinatrato ang mga ganitong banta para matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na ng mga estudyante.

Panawagan din nila sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak pagdating sa tamang paggamit ng social media, lalo na’t may kaukulang parusa ang pagpapakalat ng maling impormasyon at pananakot.