DAGUPAN CITY – Patay ang isang municipal employee ng bayan ng Calasiao matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa interior road ng Brgy. Ambonao-Nansangaan sa bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Edu Gabriana, 42 anyos, driber at residente ng Brgy. Lasip sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay pol. lt. Dario Ico , police community affairs development oficer ng calasiao PNP, dakong alas-10:50 ng gabi noong Biyernes nang mangyari ang insidente sa bisinidad ng Brgy. Ambonao, Calasiao.
Kasalukuyang lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang tahanan sa Brgy. Lasip ng nasabing bayan nang pagbabarilin ng mga suspek pagsapit nito sa nasabing lugar.
Nagtamo ito ng tama sa tiyan at dibdib ngunit nakatakbo pa ito sa Parayno compound upang humingi ng tulong.
Agaran namang itinakbo ito ng mga pulis at MDRRMC Calasiao sa Doctors’ Villaflor Hospital, Dagupan City upang gamutin ngunit tuluyan ding pumanaw ang biktima.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam na din ang motibo sa pamamaril sa biktima.