DAGUPAN CITY — Kulungan ang bagsak ng isang 55-anyos na lalaki matapos itong maaresto sa bisa ng warrant of arrest sa bayan ng Bolinao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Jayson Orilla, Deputy Chief of Police ng Bolinao Municipal Police Staton, sinabi nito na isinagawa ang pagkaka-aresto sa suspek na kinilalang si Arthur Ramos Bergonia, may asawa, isang mangingisda, residente ng Brgy. Zaragoza, Bolinao, Pangasinan, sa kanyang tahanan sa nasabing lugar.
Aniya na ang kaso ng suspek ay naitala noon pang 2022 kung saan ay paulit-ulit nitong ginahasa ang biktima na mismong pamangkin nito.
Saad nito na paulit-ulit nagawa ng suspek ang krimen dahil naiiwang mag-isa ang menor de edad sa kanilang bahay at bilang magkapit-bahay ang mga ito ay kinukuha ng suspek ang pagkakataon upang gahasain ang kanyang pamangkin.
Dagdag pa nito na lumalabas din sa kanilang imbestigasyon at pakikipag-usap sa biktima na 17-anyos ito nang isagawa ng suspek ang krimen at napag-alaman din na mayroong sakit sa pag-iisip ang biktima.
Samantala, nakapiit naman na sa himpilan ng Bolinao Municipal Police Station at suspek at wala namang inirekomendang piyansa para sa kasong kanyang kakaharapin.
Kaugnay nito ay bumaba naman umano ang mga naitalang rape cases sa kanilang bayan ngunit nananatili namang ang kadalasang sangkot dito ay magkakakilala o magkakamag-anak.