Dagupan City – Mga kabombo! Sabi nga nila, kailangan mong maging stick to 1 sa relationship.
Kapag nga may third party sa rlasyon ay tila may world war II na agad – ika nga.
Pero paano na lamang kung malaman mong, may isang lalaki pa lang nagkaroon ng 16 na asawa.
Ito kasi ang kaganapan sa isang maliit na village sa Njombe, Tanzania, kung saan naninirahan si Mzee Ernesto Muinuchi Kapinga, isang 86-taong-gulang na ama, na may isang pambihirang pamilya.
Sa kasalukuyan, mayroon siyang 16 na asawa, 104 na anak, at 144 na apo, kaya’t ang kanyang pamilya ay parang isang maliit na munisipalidad, isang aktibong komunidad kung saan bawat isa ay may kanya-kanyang papel na ginagampanan.
Ayon sa kwento ni Mzee, nagsimula ang kanyang kwento ng pamilya noong 1961 nang magpakasal siya sa kanyang unang asawa. Isang taon matapos magkasal, nagkaroon sila ng anak.
Hanggang sa hinikayat umano siya ng kaniyang kapatid na magdagdag pa ng asawa. Nag-alok pa ang kanyang ama na siya na mismo ang magbabayad ng dowries para sa mga susunod na pakakasalan ni Mzee. Sa kabila ng mga alilangan, nakumbinsi si Mzee at nagsimula siyang magtayo ng isang malaking pamilya.
Sa ilalim ng Law of Marriage Act ng Tanzania, pinapayagan ang parehong monogamous at polygamous marriages, kaya’t naging normal sa kanya ang magkaroon ng maraming asawa. Sa kanyang kabataan, nakapag-asawa siya ng 20 kababaihan, at ngayon ay 16 pa ang kanyang buhay na maybahay.
Karamihan naman sa mga ito ay magkakapatid, na pumili kay Mzee dahil sa kanyang reputasyon bilang isang responsableng padre de pamilya.
Sa isang panayam kay Mzee noong Pebrero 27, 2025, sinabi niyang wala silang selos sa kanyang mga misis, at may kanya-kanyang tahanan at kusina ang bawat isa sa kanila sa kanilang village. Hati-hati sila sa mga responsibilidad, at nagsasama-sama sila sa mga gawaing bukid at pagkain.
Gayunpaman, aminado si Mzee na may mga pagkakataong nakakalimutan niya ang pangalan ng ilan sa kanyang mga anak at apo, lalo na’t ang ilan sa kanyang mga anak ay pumanaw na. Sa kabila ng lahat ng ito, ipinagpapasalamat pa rin ni Mzee ang suporta ng kanyang mga misis, at ayon pa nga sa kanya, “This family runs because of the women.”