Mga ka-Bombo, hanggang saan ang kakayanin ninyong gawin para lamang sumikat?

Nakaranas kasi ng matinding backlash ang isang lalaki mula sa Indonesia matapos ang ginawa nitong pagpapakasal sa isang babaeng kambing para lamang mag-viral ito sa social media.

Ang lalaki ay kinilalang si Saiful Arif, isang content creator mula sa Gresik, East Java, Indonesia.

Sa video na kumalat sa social media, makikita ang “bride”, isang kambing na nagngangalang Sri Rahayu bin Bejo na nakasuot ng shawl, habang ang isang grupo naman ng Javanese na mga indibidwal ay dumalo sa nasabing kasalan habang nakasuot ng tradisyunal na kasuotan.

Si Arif naman ay makikita na nagpaperform ng “Akad Nikah” kung saan ang dowry ay nagkakahalaga ng 22,000 rupiahs o katumbas lamang naman ng humigit kumulang P80.

Saad nito na ang nasabing kasalan ay para lamang sa “content purposes” at ang kanyang pagaktong pagpapakasal sa kambing ay para lamang mag-viral sa social media. Sinabi pa nito na wala itong anumang intensyon na insultuhin ang sinuman.

Ngunit sa kabila ng mga pahayag at “malinis na intensyon” ni Arif ay nag-udyok lamang ang kanyang ginawa ng galit mula sa mga netizens na nagpahayag ng kanilang saloobin sa comment section ng nasabing video.

Sinabi ng isang nagkumento na hindi lamang dapat si Arif ang sisihin kundi gayon na rin ang village chief at mga dumalo sa kasalan. Saad pa ng isa na hindi kaaya-aya ang video na bagamat nakalikha ng kita ay nagdala lamang sa publiko ng problema. Sinuportahan pa ito ng isa pang netizen na nagkumento namang hindi lamang nila ito pinahintulutan na gawin ang content, subalit inudyok pa nila si Arif.