DAGUPAN CITY- Mga Ka-Bombo! Sawa ka na bang magtrabaho?
Gusto mo bang magresign ngunit nahihiya ka sa iyong boss?
Ito kasi ang nangyari sa isang lalaki sa India, ngunit nakakagulat ang kaniyang ginawang solusyon.
Sa Gujarat, India kasi ay may isang 32-taong-gulang na lalaki na nagngangalang Mayur Tarapara ang nagputol ng apat na daliri sa kaliwang kamay upang maiwasang magtrabaho bilang isang computer operator sa kompanya ng kanyang kamag-anak.
Ayon sa kanyang pahayag sa pulisya, sinabing siya ay naaksidente habang nagmamaneho ng motorsiklo, na nagdulot ng pagkakaputol ng kanyang mga daliri.
Sinabi niyang nahilo siya at nawalan ng malay sa gilid ng kalsada, at nang magising ay napansin niyang wala na ang apat na daliri sa kanyang kaliwang kamay.
Ngunit, matapos ang masusing imbestigasyon, napag-alaman ng mga awtoridad na hindi totoo ang kwento ni Mayur.
Base sa CCTV footage at testimonya ng mga saksi, natuklasan na iniwan niya ang kanyang motorsiklo sa isang ring kalsada, naglakad nang wala pang sugat, at bumalik na may putol na mga daliri.
Nang tanungin ng pulisya, inamin ni Mayur na siya mismo ang nagputol ng kanyang mga daliri gamit ang isang matalim na kutsilyo na binili niya mula sa isang tindahan.
Inihayag niya na ginawa niya ito dahil ayaw na niyang magtrabaho sa kompanya ng kanyang kamag-anak, ngunit nahihiya siyang sabihin ito sa kanila.
Narekober ng mga pulis ang tatlo sa apat na putol na daliri mula sa isang bag na itinapon ni Mayur.
Patuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad upang malaman ang buong katotohanan sa likod ng kakaibang insidenteng ito.
Ayon sa isang crime inspector, sinisikap pa nilang makakuha ng karagdagang impormasyon mula kay Mayur upang buuin ang buong kwento ng pangyayari.