DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Nakakabilib nga naman kung gaano na ka-advance ang teknolohiya sa ating panahon.
Ano na lang kaya ang gagawin mo kapag nalaman mong kaya mo palang buksan ang isang special feature ng iyong sasakyan nito gamit ang iyong mga mata?
Isang Chinese driver kasi ang nag-viral matapos niyang maipakita na kaya niyang ma-trigger ang driver fatigue warning ng kanyang bagong sasakyan dahil sa maliit niyang mga mata.
Si Mr. Li mula Zhejiang Province ay laging nagrereklamo ng paulit-ulit na nag-aalerto ang sasakyan na “Please focus on driving” kahit gising at nakatutok siya sa kalsada.
Ayon sa kanya, halos 20 beses itong nag-trigger sa maikling biyahe na naging istorbo sa kanyang pagmamaneho.
Nilinaw ng pamunuan ng sasakyan na ang warning ay galing sa kanilang fatigue monitoring system na gumagamit ng camera sa manibela para bantayan kung antok o distracted ang driver.
Kung hindi tumugon ang driver sa babala, kusang bumabagal ang sasakyan.
Bagama’t puwedeng patayin ang system, hindi ito inirerekomenda ng kumpanya dahil sa kaligtasan.
Nagviral ang kaniyang post sa social media at umusbong ang usapin kung sapat ba ang pagkaka-adjust ng ganitong teknolohiya sa mga natural na anyo ng mata, lalo na sa mga Chinese drivers.