DAGUPAN CITY — Bangkay na nang dinala sa ospital ang isang lalaki matapos magkalasug-lasog ang katawan nito sa nangyaring banggaan ng isang motorsiklo at truck sa Brgy. Amansabina sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Mc Arthur Ato, ang tumatayong Deputy Chief of Police ng Mangaldan Municipal Police Station, sinabi nito na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na binabaybay ng biktima na kinilalang si Emarlo Calasiqui, manager ng isang lending firm sa bayan ng Mangaldan, ang kahabaan ng national highway pauwi ng Tarlac nang nakasalubong nito ang isang truck na papasok naman ng naturang bayan.
Saad ni Ato na nag-overtake ang truck sa isa pang sasakyan na humantong naman sa pagkakahagip sa motorsiklo na minamaneho ng biktima. Sa kasamaang-palad ay hindi lamang tumilapon sa kalsada ang biktima subalit nakaladkad pa pa ng truck ang katawan nito na nagdulot naman upang magkapira-piraso ang katawan nito.
Sa naging pakikipag-usap naman ng kapulisan sa drayber ng truck, sinabi pa ni Ato na ikinabigla at hindi rin inaasahan ng suspek na hahantong sa trahedya ang ginawa nitong pag-overtake sa isang sasakyan dahil na rin sa pagmamadali nito. Gayunpaman, at base na rin sa mga nakasaksi sa nangyari, ay kusa naman itong huminto sa daan upang akuhin ang responsibilidad sa naturang insidente.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek at haharap naman ito sa karampatang parusa.
Patuloy naman na nagpapaalala ang kapulisan sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho at kung hindi naman maiiwasang mag-overtake, ay dapat munang tignan kung malinis ang daan at walang makakasalubong na sasakyan.
Dagdag pa ni Ato na hangga’t maaari ay iwasan ang pagmamadali sa pagmamaneho lalo na sa mga busy roads gaya na lamang ng Mangaldan na tinuturing na thoroughfare ng mga sasakyan at motorista na nanggagaling sa iba’t ibang mga karatig na bayan at lugar upang maiwasan ang sakuna.