DAGUPAN CITY — Dead on arrival ang isang lalaki habang sugatan naman ang dalawang iba pa matapos ang nangyaring banggaan ng motorsiklo at tricycle sa Brgy. Buena, Mangatarem, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PSSG Enrique Panday, Investigator on Case ng Mangatarem Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente habang parehong binabagtas ng tricycle na minamaneho ni Ambrosio Rusco Cervantes, 53-anyos, residente ng Brgy. Olo Cafabrosan, Mangatarem, at motorsiklo na minamaneho naman ni Marcelino Delaria Collado, 48-anyos, at residente ng brgy. General Luna ng parehong bayan ang kahabaan ng Tarlac-Pangasinan road.
Ani Panday na patungo si Cervantes ng timog habang binabagtas naman ni Collado ang kabilang linya patungong kabilang direksyon at nang magsalubong ang dalawang sasakyan sa Brgy. Bueno sa parehong bayan ay biglang nang-agaw ng linya ang motorsiklong minamaneho ni Collado sa tricycle at nagresulta sa banggaan ng dalawang sasakyan.
Dahil dito, nagtamo ang parehong drayber at dalawang mga sakay ng tricycle ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan.
Itinakbo pa ang mga ito sa pinakamalapit na pagamutan para sa paglunas subalit binawian din ng buhay ang drayber ng motorsiklo.
Sa isinagawa pang imbestigasyon ng kapulisan ay napagalaman mula sa katrabaho ng nasawing drayber na bago ito umuwi sa kanilang bahay ay nakainom ito. Dahil dito ay nagpapatuloy ang pag-uusap ng pamilya ng biktima at ng drayber ng motorsiklo kaugnay sa naturang insidente.
Sa kasalukuyan ay nagpapagaling sa ospital ang mga sakay ng tricycle habang patuloy pa ring inaalam ng mga otoridad ang kabuuang danyos mula sa mga nasirang sasakyan na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan para sa kaukulang disposisyon.