DAGUPAN CITY — Arestado ang isang dual-citizen na lalaki matapos itong maaresto sa bisa ng tatlong Warrant of Arrest sa lungsod ng Urdaneta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Rey Floro Tuanquin, Chief Investigation Officer, Urdaneta City Police Station, kinilala nito ang suspek na si Jan Jose Revollido Holtman aka Jan Jose Revollido Holtland, 25-anyos, Filipino-Dutch, may live-in partner, at residente ng Zone 1 Ambrosio St. Brgy. Poblacion, sa parehong lungsod.
Aniya na ang nasabing akusado ay pinilahan ng tatlong arrest warrants ng kanyang live-in partner na si Flores Andaya Aguinde, 26-anyos, isang cashier, at residente ng Brgy. San Vicente East, Urdaneta City, sa kadahilanang sinasaktan niya ang kanyang live-in partner at kanilang dalawang anak.
Saad nito na sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumalabas na noong Agosto 05, ay pinalo umano ng suspek ang kanyang anak na babae gamit ang hanger na nag-iwan naman ng marka. Nakita umano ito ng kanyang ina kaya sinampahan niya ito ng kaso at dito na lumabas ang tatlong warrant of arrest laban s asuspek na kinabibilangan ng tig-dadalawang counts ng Violation of Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004) Section 5(A) o Physical Abuse at may fixed bail bond na P2,000 bawat bilang; Section 5(B) o Threat/Pagbabanta na may fixed bail bond na P2,000 bawat bilang; at 5(H) o Psychological Abuse na may fixed bail bond na P72,000.
Ito aniya ay magkakapareho at sabay-sabay na inisyu laban sa suspek sa ilalim ng magkakaibang criminal case.
Sa kasalukuyan ay nasa kanilang kustodiya ang akusado na sinubukang kausapin ang kaniyang live-in partner at kanilang mga anak dahil wala ring gustong tumulong sa kanya sa kinakaharap na kaso.
Kung sakali naman na magkakasundo ang akusado at ang complainant na hindi na nito uulitin ang pananakit sa kanilang mga anak, subalit desidido naman aniya ang ina ng kanilang mga anak na ituloy ang kaso.
Dagdag pa nito na bagamat ito ang unang kasong kinakaharap ng akusado ay mayroon na itong naunang record kung saan ay pina-blotter na ito dati sa VAWC Protection Desk.