Dagupan City – Mga kabombo! Mahilig ba kayo sa ice cream?
Sabi nga nila, kapag stress ka at nais mong mag-cool down, bumili ka ng ice cream para mawala ang stress mo.
Ngunit paano na lamang kung malaman mong may ahas pala sa ice cream mo?
Sa gitna kasi ng matinding init sa Ratchaburi, Thailand, isang lalaki roon ang nanlamig sa takot nang makita niyang may “libreng ahas” ang binili niyang ice cream sa isang street vendor!
Ang nasabing lalaki, na nakilala online bilang si Rayban Naklengboon ay agad na nag-post sa socila media platform ng mga larawan ng natuklasan niyang may “freebie” ang kanyang ice cream.
Sa mga larawan, kitang-kita ang isang dilaw at berdeng ahas na tila nakapreserba sa loob ng yelo, kasama ang munggo na karaniwang sangkap ng nasabing ice cream sa Thailand.
Dahil dito, bumaha ng samu’t saring reaksiyon sa social media. Marami ang agad nagsabi na posibleng ito ay isang golden tree snake o Chrysopelea ornata, isang uri ng ahas na makamandag at karaniwang matatagpuan sa Thailand.
Sa kabila ng kilabot na dulot ng natuklasan, hindi napigilan ng ilang netizens na gawing katatawanan ang insidente.
May nagbiro na ito raw ay bagong “high-protein” na ice cream, habang ang iba nama’y tinawag itong “ice cream with a snack!” Isang netizen pa ang pabirong nagsabi, “Sa unang kagat, mapapaospital ka agad!”
Ngunit hindi lang biro ang lumutang sa usapan. Marami rin ang nagpahayag ng pagkabahala tungkol sa kalidad ng produksyon ng naturang ice cream.
Kung nagkaroon ng ganitong insidente, paano pa kaya ang kalinisan ng iba pang pagkain na binebenta ng parehong supplier? Ipinanawagan ng ilang netizens na dapat imbestigahan ng mga awtoridad ang ice cream vendor at alamin kung paano nagkaroon ng ahas sa loob ng produkto.
Bukod sa hygiene concerns, may ilan ding nagtanong kung maaaring mapanganib ang lason ng ahas sakaling makain ito nang hindi sinasadya.
Gayunman, wala pang opisyal na pahayag mula sa mga eksperto kung ang lason ng ganitong uri ng ahas ay nananatili sa loob ng frozen na produkto o kung ito ay maaaring makasama sa kalusugan ng tao.
Sa ngayon, hindi pa tiyak kung aling kompanya o tindahan ang may pananagutan sa insidenteng ito sa Thailand.