DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Palagi ba kayong magpapakopya ng inyong mga papeles upang ibigay sa mga opisina?
Paano kung ang akala mong replika, orihinal na kopya pala?
Isang kopya ng papeles na Magna Carta kasi na matagal nang inakalang replika ay natuklasang orihinal pala mula pa noong taong 1300, ayon sa dalawang mananaliksik.
Nabili ito ng Harvard Law School Library noong 1946 sa halagang $27.50 mula sa mga book dealer sa London.
Inakala ng lahat na ito’y lumang kopya lamang mula 1327 sa panahon ni King Edward III.
Ngunit batay sa bagong pagsusuri, ito pala’y bihirang orihinal na ipinahayag ni King Edward I.
Natuklasan ni David Carpenter, isang propesor ng kasaysayan sa King’s College London, ang kamalian habang pinag-aaralan niya ang mga digital na imahe ng Magna Carta.
Matapos ang masusing pagsusuri sa teksto at pisikal na katangian ng dokumento, nakumpirma na ito ay tunay at orihinal at tinatayang may halagang milyon-milyong dolyar.
Gayunpaan, hindi ito balak ibenta ng Harvard.
Ang Magna Carta, unang naitatag noong 1215 sa ilalim ni Haring John, ay isa sa mga pinakaimportanteng dokumento sa kasaysayan na tumukoy sa mga karapatan ng karaniwang tao sa ilalim ng batas.