DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Naniniwala ka ba na kayang gawin ng AI ang lahat ng bagay?

Paano kung pati ang graduation ceremony ay kaya niya na ring pamahalaan ng AI?

Isang kakaibang eksena kasi ang naganap sa graduation ceremony ng Pace University sa Estados Unidos matapos gamitin ang isang AI-generated voice upang tawagin ang pangalan ng mga nagtapos, sa halip na isang taong tagapagbasa.

--Ads--

Sa isang viral na video na ibinahagi sa isang social media page makikitang naka-pila ang mga estudyante habang may hawak na cellphone.

Pagdating sa entablado, kanilang ipinapakita ang QR code sa isang miyembro ng faculty na agad itong ini-scan.

Ilang saglit pa, isang synthetic, parang robot na boses ang maririnig na bumibigkas ng pangalan ng estudyante.

Ang dating masaya at emosyonal na bahagi ng graduation na pagtawag ng pangalan, ay napalitan ng tunog ng teknolohiya.

Para sa ilan, ito ay isang simbolo ng makabagong panahon.

Ngunit para sa iba, ito raw ay tila walang kaluluwa at nawala ang personal na ugnayan sa seremonya.

Samantala, may ilan namang natuwa at sinabing praktikal at efficient ito, lalo na sa malalaking graduation events.