Dagupan City – Mabilis na naaresto ng Sison Municipal Police Station (MPS) ang limang suspek na responsable sa pagnanakaw sa Don Valentin Torres Integrated School (DVTIS) sa Brgy. Asan Norte sa bayan ng Sison.

Ayon sa ulat, sapilitang pinasok ng mga suspek ang school canteen at Principal’s Office.

Sinira nila ang mga doorknob upang makapasok at kinuha ang mga paninda at gamit habang hindi rin pinaligtas ng mga ito ang fishpond ng eskwelahan at nilimas ang 20 piraso ng tilapia breeders.

--Ads--

Bukod pa rito, pinutol nila ang CCTV connection, sinira ang mga halaman sa paligid, at ang exhaust system ng fishpond.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Sison MPS, sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng barangay, CVOs (Civilian Volunteer Organizations), mga guro, at komunidad.

Dahil sa mabilis na pagtugon, natukoy, natunton, at nahuli ang limang suspek na pawang residente ng Brgy. Asan Norte.

Sa limang suspek, dalawa ang nasa hustong gulang at tatlo ang menor de edad kung saan ang tatlong menor de edad ay iniendorso sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), habang ang dalawang nasa hustong gulang ay nakakulong na sa Sison MPS.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong pagnanakaw at pagkasira ng gamit.