Mga kabombo! Nakakita ka na ba ng elepante sa loob ng isang grocery store?
Take note, hindi ito keychain, stuffed toy, o anumang uri ng laruan. Kundi, totoong Elepante!
Ito kasi ang nangyaring eksena na naganap sa isang grocery sa Nakhon Ratchasima, Thailand nang biglang dumating ang elepante para maghanap ng meryenda?
Ayon sa ulat, habang abala ang may-ari ng tindahan na kinilalang si Khamploi Kakaew sa kanyang mga customers, biglang dumiretso ang isang wild elephant sa loob ng tindahan at kumuha ng matatamis na rice crackers, saging, at sandwich.
Kinilala naman ang elepante na si “Plai Biang Lek” na kilala na rin sa Nakhon Ratchasima bilang pasaway na elepante.
Lumalabas din na hindi ito ang kauna-unahang beses na nagdulot ng gulo sa lugar ang elepante.
Dahil pumapasok at labas daw ito sa mga bahay para maghanap ng pagkain.
Sa kabila ng sigaw at pakiusap ng may-ari at ng mga park ranger, tahimik lang na kinain ni Plai Biang Lek ang napiling meryenda.
Umabot sa siyam na pakete ng rice crackers at iba pang paninda ang naubos bago ito tuluyang napaalis matapos ang mahigit 10 minuto.
Bagama’t walang nasaktan na sinuman at minimal lang ang pinsala na umabot sa 1000 baht, malinaw na ipinakikita ng insidente ang lumalalang tensiyon sa pagitan ng tao at wildlife sa Thailand.
Ayon sa mga environmentalist, dumarami na ang insidente ng mga elepanteng pumapasok sa mga bahay at tindahan dahil sa patuloy na pagliit ng kanilang natural habitat dulot ng paglawak ng sakahan at komunidad ng tao.