DAGUPAN, CITY— Nakahanda at todo ensayo na ang isang Dagupenyong sasabak sa World Karatedo olympic qualifying tournament na gaganapin sa Paris, France sa Hunyo.
Ayon kay John Enrico “Joco” Vasquez na tubong Barangay Malued sa lungsod ng Dagupan, lubos ang kanyang ginagawang mga preparasyon at pageensayo para sa nalalapit niyang pagsabak sa naturang qualifying tournament.
Aniya, sadyang pahirapan din ngayon ang kanilang pagsasanay lalo na ngayong panahon ng pandemya ngunit sa natatanggap niyang suporta at paggabay mula sa kanyang mga coaches ay mas nalilinang pa nito ang kanyang kakayahan.
Upang masiguro ang kanilang kaligtasan kontra COVID-19 ay nagsiself-training na lamang muna siya at araw-araw umano ay nagpapadala ito ng kanyang mga video mula sa kanyang pagsasanay sa kata.
Ibinahagi niya na isa sa mga pangarap niya ay ang makapagqualify sa Olympics kung kaya’t ginagawa niya ang kanyang makakaya upang makapasok at magbigay karangalan para sa Lungsod ng Dagupan at maging sa Pilipinas.
Maliban sa kanya, makakasama din niya ang 7 mula sa kanyang mga kasamahan mula sa Philippine Karatedo National Team kabilang na rito si 2019 Southeast Asian Games gold medalist Junna Tsukii.
Si Vasquez ay kabilang sa Top 20 ng 2019 World Karatedo Federation U21, Top 5 ng Asian 2019 AKF U21, at nakasugkit ng Silver Medal sa South East Asia Karatedo Federation 2019, maging ng dalawang bronze sa 30th SEA Games noong 2019. (with reports from: Bombo Framy Sabado)