DAGUPAN, CITY— Kasalukuyan nang nasa isolation facility ang isang covid 19 patient na tumakas matapos itong maging reactive sa rapid test at sumailalim siya sa swab test sa bayan ng Mangaldan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Lt/Col. Jun Wacnag, Chief of Police ng Mangaldan PNP, bumalik na ang pasyente sa kanilang bahay kahapon ng hapon.
Matapos aniya na maiparating ito sa kanilang municipal health office ay agad na pinuntahan ang pasyente upang dalhin na sa isolation facilty ng naturang bayan kung saan dinadala ang mga pasyente na sumailalim sa rapid test o hindi naman kaya ay nagkaroon ng close contact sa pasyente na positibo sa covid 19.
Mananatili naman ang nasabing pasyente doon para sa kaniyang 14 day quarantine at para sa mga karagdagan pang tests.
Bagamat bumalik na, desidido parin ang hanay ng PNP na sampahan ng kaso ang naturang pasyente matapos nitong tumakas makaraang malaman na itoy positibo sa covid 19.
Ayon kay Wacnag naging lantaran ang paglabag nito sa IATF protocols at pagdudulot ng pangamba at panganib sa mga residente ng nabanggit na bayan.
Kinumpirma naman ng hepe, na nakiusap ang mga kaanak ng nasabing covid 19 patient na sana ay hindi na ituloy ang pagsasampa ng kaso sa kaniya dahil bumalik naman ito.
Subalit, agad naman itong hindi sinang-ayunan ng kapulisan upang mas maipakita sa publiko na hindi dapat na tularan ito dahil hindi ito makakapag dulot ng maganda at maglalagay lamang sa kapahamakan sa kalusugan ng mga nasa komunidad.
Dagdag pa ng hepe, patatapusin lamang nila ang quarrantine period nito kasabay ng pangangalap nila ng mga testigo at ebidensya laban sa tumakas at tsaka isasampa ang kaso laban dito.