Mga kabombo! Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa “buto”?
Naku! Pasintabi po sa mga bata, dahil ibahin niyo ang nangyaring sitwasyon sa New Jersey.
Paano ba naman kasi, nagkaroon ng nakawan ng Buto. OMG!
Ito ang gumulantang sa tanyag na Donkey’s Place sa Camden, New Jersey matapos tangayin ng isang customer ang kanilang pinaka-iniingatang walrus baculum o buto ng ari ng walrus!
Ang artifact ay hindi lamang basta display kundi nagsisilbing “conversation piece” upang magbigay-aliw sa mga customer ng restaurant.
Pagbabahagi ng may-ari na si Rob Lucas Jr., matagal na itong bahagi ng kanilang restaurant, kasama ng iba pang artifacts tulad ng ngipin ng megalodon.
Naging tradisyon na ng mga bartender na ipahawak ito sa mga customer para ipahula kung ano ang misteryosong bagay bago nila ibunyag ang nakagugulat at nakakatawang sagot.
Sa kasamaang palad, sinamantala ng isang kustomer ang pagkakataon.
Nang tumalikod ang bartender para magtrabaho, bigla itong ibinulsa ng suspek at saka nagmamadaling umalis.
Bagama’t nakuha nila ang litrato at detalye ng lalaki, nagdesisyon ang may-ari na huwag muna itong kasuhan at sa halip, nanawagan sa isang social media platform na isauli na lamang ang naturang antique dahil hindi kumpleto ang kanilang restaurant kung wala ito.










