Nasawi ang isang buong pamilya na sakay ng isang kulong-kulong matapos masangkot sa isang aksidente sa Barangay Bayambang, sa bayan ng Infanta.
Ayon kay PMSG Elmer Merza ng Infanta Police, nakatanggap sila ng tawag sa isang concerned citizen ukol sa naganap na vehicular traffic incident (VTI) sa nasabing barangay dahilan upang agad na rumesponde ang mga awtoridad sa lugar.
Batay sa imbestigasyon, binabagtas ng kulong-kulong ang nasabing daan nang sumabit ito sa isang nakalaylay na sanga ng puno.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang driver.
Kasama niya sa sasakyan ang kanyang asawa at dalawa nilang anak na nasa isang 1-taong gulang at isang 7-buwang gulang.
Matapos sumabit sa sanga, eksaktong paparating naman ang isang Hyundai H100 van kaya dahilan ng nangyaring salpukan.
Dahil sa lakas ng impact ng banggaan ay nagkalat ang mga sakay ng kulong-kulong sa kalsada.
Agad silang dinala sa Rural Health Unit ng Infanta ngunit idineklarang dead on arrival (DOA) ang mag-anak.
Lumalabas naman sa imbestigasyon na pauwi na sana ang pamilya galing Dasol, kung saan nagdiwang sila ng kaarawan ng ginang.
Ngunit sa kasawiang palad ay nasangkot sila sa isang aksidente.
Samantala, ang driver naman ng van, na nagtamo rin ng minor injuries, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.
Inihahanda na rin ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban sa kanya.
Sa ngayon ay nagpapakita naman ng kooperasyon ang suspek at handang sagutin ang gastusin ng nasawing pamilya.
Nagpaalala naman si PMSG Merza sa publiko na iwasan ang mabilis na pagmamaneho at tiyaking ligtas ang pagkakalagay ng mga bata sa sasakyan upang maiwasan ang matinding pinsala sa mga ganitong insidente.