Hindi madali ang pinagdaanan ni Nathalie Gabotero, 20-anyos at tubong Malolos, Bulacan, sa kanyang paglaban sa Leukemia noong ito’y apat na taong gulang pa lamang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Nathalie Gabotero, sinabi nito na nagsimula ang kanyang pakikipaglaban sa sakit na Leukemia noong siya ay nasa nursery pa lamang, subalit noon una’y wala pa silang kamalayan sa sakit nitong pinagdadaanan.
Bagamat matagal na itong nakakaranas ng pagdurugo ng ilong at madaling pagkakaroon at pagtamo ng mga pasa, ay umabot naman sa puntong lumaki na ang kanyang pasa at putlang-putla na ang kanyang mukha bago napagpasyahan ng kanyang mga magulang na ipa-checkup na ito.
Dito na nga nila napag-alaman na mayroon na pala siyang kanser sa dugo o Leukemia. Binigyang-diin pa ni Gabotero na sa pagamutan kung saan siya nai-confine na rin ito nagdiwang ng Pasko, Bagong Taon, at kanyang kaarawan dahil na rin ay sumailalim kaagad ito sa mga chemotherapy sessions na nagtagal naman hanggang sa naging walong-taong-gulang na ito.
Bagamat nakalabas na ito ng hospital noong siya’y walong-taong-gulang na, ay patuloy pa rin ang kanyang naging pakikipaglaban sa sakit na Leukemia. Matapos rin ang kanyang chemotherapy ay nagkaroon din ng maraming pagbabago sa kanyang katawan, kabilang na ang pagbabago sa kanyang boses at pagbagal ng kanyang metabolismo, na inisip nito na side effects ng kanyang mga gamot.
Sinabi ni Gabotero na bago ito mag-labingwalong taong ulang ay patuloy naman itong nakaranas ng pagdurugo ng ilong bawat buwan ng Marso.
Dagdag pa ni Gabotero na nagkakaroon ito ng mga flashbacks at hallucinations kaugnay nang pinagdaanan nito sa kanyang chemotherapy, kung saan ay nagkaroon na siya ng takot sa karayom.
Ginunita at ibinahagi rin ni Gabotero ang kanyang mga karanasan noong sumasailalim pa ito ng chemotherapy kung saan ay may mga oras na sumisigaw ito na ayaw na niya, bunsod na rin ng mga hallucinations na side effects naman ng mga binibigay sa kanyang mga gamot.
Sa ngayon ay ipinahayag ni Gabotero na hindi na nito iniisip kung babalik pa o hindi ang kanyang sakit, subalit ine-enjoy na lamang nito ang kanyang buhay.
Subalit hindi naman ito sumuko sa kanyang pakikipaglaban sa sakit na Leukemia.
Binigyang-diin pa ni Gabotero na hangga’t nakakapag-aral pa ito, may bubong pa itong nasisilungan, at nakakakain pa ito tatlong beses sa isang araw, ay hindi na niya pinagtutuunan ng pansin ang kanyang karamdaman dahil wala umanong mangyayari kung uupo lamang siya sa isang sulok upang magmukmok at isipin pa ang nangyari sa kanya sa nakaraan.