Mga kabombo! Isa ka rin ba sa mga mahihilig sa letters o liham?
Ikaw ba iyung tipong, makukuha ang loob kapag pinadalhan ng “love letter”?
Paano na lamang kung malaman mong, may isang nabubuhay sa mundo na tuwing sumasapit ang kaniyang kaarawan ay may natatanggap itong birthday card?
Hindi ito isang bata o teenager, kundi, lola?
Tila record breaking kasi talaga ang naitala ng mga lola. Paano ba naman kasi, higit 80 taon na nilang ginagawa ang pagpapalitan ng iisang birthday card?
Kinilala ang mga ito na sina Pat DeReamer at Mary Wheaton.
Kamakailan ay ipinagdiwang ni Pat ang kanyang ika-95 kaarawan sa Louisville, Kentucky, ngunit higit pa sa kanyang edad ang nasabing okasyon—dahil sa loob ng mahigit walong dekada, hindi naputol ang kanilang one-of-a-kind tradition!
Ayon sa ulat, nagkakilala sina Pat at Mary noong World War II nang lumipat ang pamilya ni Pat sa Indianapolis noong 1942.
Hanggang sa taong 1944, sa ika-14 na kaarawan ni Pat, niregaluhan siya ni Mary ng isang simpleng birthday card. Ngunit sa halip na itago ito, muling ipinadala ni Pat ang parehong card kay Mary nang magdiwang ito ng kaarawan noong Mayo. At doon na nagsimula ang isang hindi mapapantayang tradisyon—taon-taon, ipinapasa nila ang parehong birthday card, nilalagdaan, sinusulatan ng mensahe, at inilalagay ang bagong petsa!
Sa kanilang ika-60 taon ng pagpapalitan ng birthday card, naging international sensation ang kanilang kwento. Kinilala sila ng Guinness World Records bilang may hawak ng “Longest Greetings Card Exchange”—isang record na hindi pa natatalo hanggang ngayon!
Bagamat parehong nasa 90s na ang mag-best friends at bihira nang magkita nang personal, nananatiling buo ang kanilang samahan. Ngayong Mayo, si Pat naman ang magpapadala ng sikat na birthday card kay Mary para sa ika-95 nitong kaarawan. Kasalukuyang naninirahan si Mary sa Wheaton, Illinois.