DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang binata matapos masaksak habang umaawat sa away na nag-ugat umano sa inuman, bandang alas-12 ng hatinggabi, Setyembre 8, sa isang lugawan sa Barangay Poblacion Norte, sa bayan ng Sta. Barbara.
Ayon kay Angel Tamayo, Punong Barangay ng Dalongue , kinilala ang biktima na residente ng kanilang lugar at bilang isang tahimik na tao at walang kaugnayan sa gulo.
Sa kabila ng malapit na lokasyon ng lugawan sa istasyon ng pulisya, hindi ito napigilan, dahilan para tawagin itong isang “wake-up call” para sa lahat pagdating sa pagiging responsable sa pag-inom ng alak.
Tiniyak ng kapitan na nananatiling secured ang kanilang barangay sa tulong ng mga nakalagay na CCTV cameras.
Bilang ama ng barangay, aniya, hindi siya papayag na maulit ang ganitong insidente sa kaniyang nasasakupan.
Nahuli na ang suspek na mula sa Barangay Ventinilla matapos makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) gamit ang plaka ng kanyang sasakyan na nakita sa mga kuha ng CCTV.
Patuloy ang imbestigasyon ng Sta. Barbara PNP upang tukuyin ang buong detalye ng krimen.
Samantala, kinumpirma ng alkalde ng bayan na si Carlito Zaplan na maayos ang koordinasyon sa pagitan ng barangay at pulisya sa kabila ng naganap na krimen.
Malaking tulong umano ang command center ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at mga CCTV camera sa mga pangunahing kalsada upang matukoy at mahuli ang mga gumagawa ng krimen.