DAGUPAN CITY— Pansamantalang isinailalim sa lockdown ang isang barangay sa siyudad ng Urdaneta kung saan nakatira ang asawa ng pasyenteng nagpositibo sa covid19 sa bayan ng Asingan.

Ito ay bilang precautionary measure upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng coronavirus disease sa kanilang lungsod.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Urdaneta City Mayor Julio Parayno III kinumpirma nito na pumasyal ang naturang pasyente sa isang barangay sa naturang siyudad kaya matapos nito ay agad na nagsagawa ang City Health Office ng contact tracing at isinailalim sa home quarantine ang lahat ng kapitbahay at mga nakasalamuha nito sa naturang barangay.

--Ads--

Aniya, sa kabutihang palad, lahat naman umano ng PUI sa lungsod ay nagnegatibo sa coronavirus disease.

Ngunit, saad nito na hindi dapat magpakampante ang kanyang nasasakupan at patuloy pa rin na tumalima sa ipinapatupad na protocols ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Parayno, kasalukuyang sumasailalim umano ang asawa ng naturang pasyente sa striktong home quarantine.

Sa ngayon covid19 free pa rin ang siyudad ng Urdaneta.