Bago pa man tuluyang tumama sa kalupaan ang Bagyong Crising, ilang bahagi ng Pangasinan, partikular sa bayan ng San Fabian, ay nakaranas na ng pag-ulan ngayong araw.
Ayon sa Head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa bayan na si Engr. Juguilon, nananatiling nasa kontrol ang sitwasyon sa ngayon. Sa kabila nito, masusing binabantayan ng mga awtoridad ang Barangay Navaluan Narvarte dahil sa posibilidad ng pagbaha, lalo na kung magkasabay ang high tide at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ilang residente sa lugar ang nakakaranas na umano ng pag-ipon ng tubig sa kanilang paligid.
Bilang paghahanda, nakipag-ugnayan na ang MDRRMO sa mga opisyal ng barangay upang agad na makapagsagawa ng force evacuation kung kinakailangan. Patuloy rin ang ginagawang roving at monitoring ng mga tauhan ng MDRRMO sa mga baybaying bahagi ng bayan.
Sa ngayon, nananatili pa sa normal ang lakas ng alon sa karagatan.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA, inaasahang lalakas pa ang Bagyong Crising sa mga susunod na oras at maaaring umabot sa kategoryang Severe Tropical Storm sa pagitan ng Hulyo 19 hanggang Hulyo 20.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa mga residente na manatiling alerto at makinig sa opisyal na abiso ng pamahalaan upang maiwasan ang anumang panganib.