Mga kabombo! Ano sa tingin niyo? Kakayanin niyo bang tumira sa isang bahay na may “snake nursery” sa likod-bahay niyo?
Isang lalaki kasi sa Sydney ang muntik nang mahimatay sa takot nang matuklasang hindi lang basta may ahas sa kanyang bakuran—kundi isang buong nursery ng mahigit 100 makamandag na red-bellied black snakes!
Si David Stein, na noon ay akala’y anim lang ang ahas sa kanyang likod-bahay, agad na nag-research at nalaman niyang maaaring nagkukumpulan ang mga buntis na ahas bago manganak. At oo nga! Nang rumesponde ang mga eksperto, isang tunay na “snake invasion” ang kanilang natuklasan!
Sa una, lima lang ang nadiskubreng adult snakes—apat dito ay buntis. Pero habang hinuhukay ang lupa, isa-isang sumulpot ang mga bagong silang na ahas, na tila eksena sa isang horror movie!
Ayon kay Cory Kerewaro ng Reptile Relocation Sydney, nagsimula sila sa bilang na 40, pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, patuloy ang paglitaw ng mga ito hanggang umabot sa 102!
Bagama’t hindi agresibo sa tao ang red-bellied black snakes, hindi ito naging sapat na pampakalma kay Stein, lalo pa’t muntik nang mapahamak ang kanyang alagang aso noong December matapos matuklaw ng isa sa mga ito.
Sa ngayon, hawak pa ng mga reptile experts ang mga ahas at dinala na ang mga ito sa isang national park—malayo sa mga bakuran ng mga inosenteng homeowner!