DAGUPAN CITY- Sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Soriano St. Zone 1 Canarvacanan, sa bayan ng Alcala kung saan naapektuhan din ilang kalapit bahay nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay SFO3 Amante Battalao, Acting Municipal Fire Marshal ng Alcala Fire Station, dakong 12:45 ng tanghali kahapon nang may dumulog sa kanilang himpilan kaugnay sa sunog.
Agad din aniya nila itong nirespondehan at agad din nilang binusisi upang apulahin ang apoy. Dakong 2:15 ng hapon na nilang naapula ang sunog.
Subalit, nahirapan lamang sila sa istraktura ng bahay kasabay pa ng malakas na hangin kaya nadamay din ang tatlo pang kalapit bahay nito.
Gawa lamang ang isang bahay sa light materials habang ang iba pa ay magkahalong light materials at konretong materiales.
Gayunpaman, partially damaged lamang ang mga nadamay na kabahayan.
Agad din umanong nagpaabot ng tulong ang fire station sa Bautista at Sto. Tomas, maging ang mga barangay officials kaya lalong bumilis ang kanilang operasyon.
Samantala, patuloy pa rin ang kanilang pag iimbestiga upang alamin ang pinagmulan nito.
Wala naman naitalang sugatan mula sa insidente at ligtas ang mga apektadong pamilya. Sa kasalukuyan ay pansamantalang mananatili ang mga ito sa evacuation area.