Nasunog ang isang bahay sa brgy. Pantal sa syudad ng Dagupan dahil sa kapit-bahay nitong nagwewelding.

Ayon kay Wilson Rivadelo – may ari ng nasunog na bahay, habang siya ay kumakain bandang alas 2 ng hapon, may naririnig siyang mga nagsisibasagang salamin.

Pagkalabas at pagpunta sa likod ng kanilang bahay ay nilalamon na ng apoy ang isa pang maliit nilang bahay sa likod nila.

--Ads--

Nahuhulugan ang bahay nila ng malilit na apoy dahil nagsasagawa ng welding ang kanilang kapit-bahay na may mas mataas na pwesto sakanila, dahilan kung bakit ito nasunog.

Aniya na ang maliit na bahay na iyon ay makabuluhan para sakanila dahil dito na rin siya lumaki.

Kanila itong pinepreserba at inaayos upang patuloy pa rin itong magamit.

Marami naman umanong taong tumulong na mag-apula sa sunog at mabilis din ang pagresponde ng bumbero.

Nagkaproblema lamang sila sa masikip na daanan.

Pinagpapasalamat ni Rivadelo ang bayanihan ng kanyang mga kapit-bahay na tumulong sa pag-aapula ng sunog, at hindi na rin ito nakadamay pa ng iba.

Dagdag pa niya na base sa mga rumespondeng bumbero at sa kanilang imbestigasyon dahil lang talaga ito sa welding dahil wala umanong anumang linya ng kuryente sa bahay na nasunog.

Nanghinayang din siya sa nasunog na mga sumbrero na kanyang vintage cap collection kung saan nagkakahalaga ito ng P30,000 na isa rin sa kanyang pinagkakakitaan.

Mahigit P20,000 naman ang iba pang halaga ng natupok sa apoy.

Samantala nakapag-usap na rin sila at ng may-ari ng bahay na nagsasagawa ng welding patungkol sa bayarin o gastusin para sa nasunog na bahay.

Sa nangyaring ito, pinapa-alalahan din niya ang iba pang nagsasagawa ng konstruksyon na maging mapanuri sa kanilang paligid.

Dapat ay tiniyakin nila na hindi sila makakagawa ng insindente na maaari pang ikapahamak ng iba.