DAGUPAN CITY — Patay ang isang lola matapos mabangga ng isang mixer truck sa bahagi na Alver Street, Poblacion, sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Rdayo Dagupan kay PMaj. Herolito DV Teria, ang tumatayong Deputy Chief ng Lingayen Municipal Police Station, sinabi nito na lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na tinutungo ng lola na kinilalang si Guillerma Pidloan Muñez, 50-anyos, residente ng Basista Pangasinan, kasama ang kanyang 4 na taong gulang na apo ang kanilang nakaparadang sasakyan na Nissan Terra Car sa kabilang kalsada nang sakto namang paparating ang isang sasakyan na Fuso Super Great Truck Mixer na minamaneho ni Melicio Elefanio Delos Santos, 45-anyos, drayber, at residente ng Brgy. Pangpang, San Carlos City nang magkaroon ito ng miscalculation sa kanyang minamanehong truck at aksidenteng nabangga ang nakaparadang sasakyan na pagmamay-ari ng biktima, na siya namang pasakay na sa kanilang sasakyan.

--Ads--

Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang nasabing sasakyan ng biktima, habang ang mag lola naman ay napadapa sa kalsada. Ngunit sa kasawiang palad ay nagulungan ng mixer truck ang matanda, habang hindi naman nahagip ang bata.

Matapos ang insidente ay kaagad namang tumakbo at tumakas ang drayber na naturang truck at iniwan ang kanyang kasamang pahinante.

Bagamat may mga dumating namang agad na doctor, sa kasamaang palad ay ideneklarang dead on the spot na ang matanda, habang ang kanyang apo naman ay nagtamo ng minor incident at patuloy pang nagpapagaling sa pagamutan.

Sa kaugnay naman na panayam kay Jerome, ang pahinante at kasamahan ng tumakas na drayber ng truck, sinabi nito na pauwi na sila sa kanilang bodega matapos silang manggaling sila sa isang tubigan upang hugasan at lagyan ng tubig para sa paghalo ng semento ang minamanehong mixer ng kanyang kasamahan nang mangyari ang aksidente.

Saad nito na bigla na lamang napansin ng kanyang kasamahan na nawalan na pala ng preno ang minamanehong truck na nagresulta sa trahedya.

Kaugnay nito ay nagpaabot na rin ito ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng kapulisan at gayon na rin ang kanilang pakikipagugnayan sa mga karatig na pulisya upang mahanap at matugis na ang tumakas na suspek na nahaharap ngayon sa kasong Reckless Impudence Resulting to Homicide, Physical Injury and damage to property.

Panawagan naman ng mga otoridad na sana ay sumuko na ang tumakas na suspek.