DAGUPAN CITY- Lumulutang na sa dagat nang natagpuan ng mga otoridad ang isang 44 anyos na lalaki na residente ng Brgy. Canaoalan, sa bayan ng Binmaley nitong unang araw ng taon 2025.

Ayon kay Armenia Delos Angeles, Officer-in-Charge ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa nasabing bayan, hapon ng January 1 nang makatanggap sila ng tawag mula sa kasamahan ng biktima na nawawala na ito. Kaugnay nito, isa umanong Person with disability (PWD) ang nasabing biktima.

Sa pagsasalaysay ng mga kasamahan nito, lasing na sila sa mga oras na nagbiro ang biktima na maliligo sya sa dagat. Gayunpaman, hindi nila inaasahan na seseryosohin ito. Dahil isa itong PWD, bitbit pa nito ang kaniyang saklay nang tumungo sa dagat.

--Ads--

Agad naman rumesponde sa insidente ang mga Bantay Dagat ngunit natagpuan na nila itong lumulutang na.

Dali-dali nila itong kinuha at dinala sa ospital subalit dineklara na itong dead on arrival. At ayon sa acting physician, nasa 8-10 minuto na itong binawian ng buhay.

Samantala, ayon kay Delos Angeles, nakapagtala rin aniya sila ng 4 na kaso ng near drowning incident kahapon. Kinabibilangan ito ng isang 9 taon gulang na residente ng Basista, Pangasinan at ang tatlong magkakaanak mula San Fernando, Pampanga na nasa edad 30 taon gulang.

Sa kasalukuyan ay nasa maayos na kalagayan ang mga ito dahil hindi rin nakapagtala ng matinding injury.

Umabot naman sa 70% ang pagdagsa ng mga beachgoer sa bayan ng Binmaley.

At sa tuwing lumalakas ng pag-alon ay ipinagbabawal na nila ang pagligo sa dagat.