DAGUPAN CITY- Dumilim ang paningin ng isang 36 anyos na lalaki sa bayan ng San Fabian matapos makaalitan ang dalawang kalaro sa isang playing cards game sa isang lamay.

Ayon kay PCapt. Joemar Borja, Intel Investigator PCO, San Fabian PNP, kinilala ang mga biktima na sina Loreto Castor, 51 anyos, tubero, at si Orlando Libao, 64 anyos, walang trabaho, at parehong residente ng Brgy. Lekep Butao, sa nasabing bayan. Habang kinilala naman ang suspek na si Ronaldo Cesar, 36 anyos, construction worker, residente din ng nasabing lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon, alas-10 imedia ng gabi kahapon nang naglalaro ng playing cards ang mga ito sa isang lamay sa nasabing lugar. Ilang saglit lamang, nagkaroon ang mga ito ng alitan at nagalit umano ang suspek. Umuwi ito sa kanilang tahanan at bumalik ito dala-dala ang isang samurai, at tsaka pinagtataga ang mga biktima.

--Ads--

Nagtamo ng sugat si Loreto sa kaniyang leeg at kaliwang braso, habang sa kaliwang braso lamang ang natamong sugat ni Orlando.

Dinala naman ang mga biktima sa Medical Center ng lungsod ng Dagupan upang bigyan ng atensyon pangmedikal.

Samantala, inaresto naman ang suspek at inihahanda na din ang kasong isasampa sa kaniya.