Jackpot ang isang babae sa Pennsylvania dahil sa murang halaga, maaaring isa na palang authentic artwork ang kaniyang nabili sa isang auction.

Sa halagang $12 o may katumbas na P688 ay nabili ni Heidi Markow, may-ari ng isang Antique store sa Easton, ang isa umanong valuable work ni French impressionist Pierre-Auguste Renoir.

Aniya, nakita niya ito nang dumalo ito sa isang collector’s auction sa Montgomery County upang maghanap lang sana ng ilang pyesa para sa kaniyang store.

--Ads--

Nang ilabas ang nasabing artwork, wala siyang ideya kung ano ito subalit naramdaman niyang gusto niya itong mapasakamay.

Wala umanong pumapansin masyado sa nasabing artwork habang ang ilan naman na mga paintings ay umaabot sa halagang $1,000 hanggang $3,000.

Sa umpisa ay hindi niya inaakalang valuable item ito hanggang sa pagkauwi niya ay napansin niya ang isang malabong lagda. Isang senyales na maaaring tunay itong nagmula kay Renoir.

Ang nasabing artwork ay ang portrait umano ng asawa ng nasabing artist na si Aline Charigot.

Upang makumpirma, ipinakita niya ito sa isang may karanasan nang art appraiser. Aniya, sumang-ayon din ito na ang artwork ay orihinal na mula kay Renoir.

Sinusuri naman ng isang nonprofit institute ang drawing kung ito ba ay authentic o hindi.

Plano naman ni Markow na ibenta ito kung mapatunayang authentic.