DAGUPAN CITY- Isang babaeng British na nagngangalang si Ethel Caterham, 115 taong gulang, ang kinilala ng Guinness World Records bilang pinakamatandang taong nabubuhay sa buong mundo.
Si Caterham, na taga-Surrey, ay ipinanganak noong Agosto 21, 1909 sa Shipton Bellinger, England.
Siya ngayon ang tanging nabubuhay na Briton na ipinanganak bago ang taong 1913, at ang huling nabuhay sa ilalim ng pamumuno ni Haring Edward VII.
Pinalitan niya ang yumaong si Inah Canabarro Lucas, isang madre mula Brazil na namatay sa edad na 116.
Dating yaya si Caterham at nanirahan pa sa India noong kabataan niya.
Nag-asawa siya kay Maj. Norman Caterham ng British Army noong 1933, at nagkaroon sila ng dalawang anak.
Sa kabila ng kanyang edad, nagmamaneho pa siya hanggang 97 taong gulang.
Sa kasaysayan ng Guinness, siya ang “pinakabatang” taong 115 taong gulang na naging pinakamatanda sa mundo sa nakalipas na 12 taon.