Dagupan City – Ibinahagi ng isa sa pinakamatandang kapitan ngayon sa Dagupan ang kanyang mga personal na karanasan at alala noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng pamumuno ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ayon kay Kap. Delfin De Guzman, 85-anyos na nagsilbi na ng mahigit 15 taon sa serbisyo sa Barangay at kasalukuyang Kapitan sa Barangay Salapingao, kabataan pa siya noon at hindi nito malilimutan ang matinding paghihigpit sa seguridad noong mga panahong iyon, partikular na ang ipinatupad na curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Dahil dito, naging limitado ang pagkilos ng mga tao at kinailangan pa ng espesyal na permit upang makabiyahe sa ibang lugar.

--Ads--

Inilarawan din niya ang hirap ng pamumuhay at ang hamon sa pangaraw-araw na pangkabuhayan.

Maging sa imprastraktura at serbisyo sa Dagupan noong mga panahong iyon, sinabi ni De Guzman na madilim at wala pang elektrisidad sa kanilang lugar habang may mga nagro-ronda sa paligid, kaya’t mas pinipili ng mga mamamayan na manatili na lamang sa loob ng kani-kanilang bahay.

Binigyang-diin din niya ang pag-iral ng tinatawag na “one-man rule” kung saan nawalan ng kapangyarihan ang Kongreso at Senado, at ang Pangulo ang nag-iisang nagpapasya sa pananalapi at mga proyekto ng gobyerno.

Bagamat idiniin ang mga paghihirap, sinabi nito ang ilang positibong naidulot ng pamamahala noong panahong iyon, katulad ng pagpapaayos sa mga kalsada sa lalawigan ng Pangasinan, partikular sa kanlurang bahagi nito na dating maalikabok at mahirap daanan.

Pinaalalahanan din niya ang kasalukuyang henerasyon na alalahanin ang mga pinagdaanang pagsubok sa nakaraan bilang aral sa pagpapanatili ng katiwasayan at maayos na pamamahala sa bansa.