Isang malagim at masalimuot.

Ganito isinalarawan ni Shay Kabayan, Bombo International News Correspondent sa Israel ang naging karanasan ni Noralyn Babadilla, ang isa sa mga Pilipinong kasama sa mga bihag na pinalaya ng mga Hamas.

Kamakailan lamang nang personal na makausap ni Shay si Babadilla at kaniyang naibahagi na hindi pa pinahihintulutan ng Israel Defense Forces na sumalang sa panayam sa media ni Babadilla dahil sa traumang natamo nito.

--Ads--

Ngunit ilan sa mga masalimuot na memoryang hindi umano nito makakalimutan ay nang isakay siya sa isang sasakyan na napaliligiran ng mga labi.

Idagdag pa rito na kabilang siya sa mga bihag na ikinulong sa isang kuwarto kung saan dalawamput tatlong (23) araw silang hindi nakapagpalit ng damit at walang ligo.

Nahiwalay din ito sa isa pang Pinoy na pinalaya na si Jimmy Pacheco na ikinulong naman sa ilalim ng tunnel.

Dagdag pa ni Kabayan na hindi umano inasahan ni Babadilla na siya ay mabubuhay pa at wala na siyang ibang ginawa kundi ang manalangin.

Ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataon si Kabayan na mabisita si Babadilla na ngayo’y nasa embahada ng Pilipinas sa Israel dahil isang linggong hindi muna pinahintulutan ng Israel Defense Forces na lapitan siya.

Samakatwid, umabot sa apatnaput siyam (49) na araw silang ikinulong bago mapalaya.

Samantala, ngayong nagpapatuloy muli ang gyera sa pagitan ng Israel at Hamas, umusbong na naman aniya ang palitan ng rockets.

Bagamat hindi na katulad noong unang sumiklab ang gyera, malayung malayo parin aniya sa normal na sitwasyon ang kanilang nararanasan ngayon.