Nagpakamatay ang isa sa mga akusado sa nangyaring ambush kay dating Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. sa bayan ng Calasiao, Pangasinan dahil sa depresyon dala ng kaniyang iniindang kapansanan.

Ayon kay PLt.Col. Ferdinand De Asis, hepe ng Calasiao PNP, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag mula sa MDRRMO hinggil sa nangyaring suicide incident sa Poblacion East sa nabanggit na bayan.

PLt.Col. Ferdinand De Asis, hepe ng Calasiao PNP

Agad na pinuntahan ng kapulisan ang lugar at nakita ang katawan ni Ronald Anthony Romero ,36 anyos na nakahandusay, duguan at wala ng buhay.
Sa isinagawang imbestigasyon ng SOCO, narekober sa bahay ng biktima ang isang caliber 45 na ginamit nito sa pagbaril sa kaniyang ulo na sanhi ng kaniyang kamatayan.

--Ads--

Kinumpirma din mismo ng asawa ni Romero na matapos ang therapy o exercise ng biktima, inutusan nito ang kanyang asawa na kumaha ng damit subalit habang kumukuha aniya ito ng damit nakarinig siya ng putok ng baril at pagkabalik, nakita niyang nakahandusay na ang katawan ni Romero.

Wala ding foul play sa nangyari at pinatunayan ito sa nakuha ng awtoridad na mensahe ng biktima sa kaniyang anak na naglalaman ng pagpapasalamat, pagpapaalam at paghingi ng patawad.

Sinabi pa ng hepe, na nais ni Romero na maibsan ang pabigat sa kaniyang pamilya dahil sa kaniyang kapansanan, nagkaroon ito ng depression hanggang humantong sa desisyon ng pagpapakamatay.

Biniberipika pa sa ngayon kung lisensyado ang baril na pagmamay-ari ng biktima na kaniyang ginamit sa pagkitil ng kaniyang sariling buhay.

Kung matatandaan, isa si Romero sa 16 na naidagdag sa inisyal na listahan ng nasampahan ng kasong Murder at Frustrated Murder ng San Carlos City Prosecutor’s Office kaugnay ng ambush case kay dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr.

Bagamat may mga ebidensiya ng naguugnay sa akusadong si Romero na kasama siya sa krimen, ay nananatili itong malaya bago ang pagpapakamatay nito dahil hindi pa naisyu ang warrant of arrest.