DAGUPAN, CITY— Isa ang binawian ng buhay habang tatlo ang sugatan sa nangyaring banggaan ng dalawang truck sa national highway ng Brgy. Tebag sa bayan ng Sta. Barbara.

Ayon kay PMaj. Rizalino Suarez, COP ng Sta Barbara PNP, sa kanilang inisyal na imbestigasyon habang binabagtas ang naturang kakalsadahan ay biglang pumutok ang goma sa gulong ng isang truck dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at kasunod na nga nito ay nagkasalpukan ito sa kaniyang kasalubong na truck na galing sa lungsod ng Urdaneta at patungong Dagupan City.

Sa lakas ng impact ng banggaan ng dalawang truck ay bumangga pa sa isang stall sa gilid ng kalsada ang isang truck at parehong nasira at nayupi ang harapan ng dalawang truck.

--Ads--

Resulta nito, ang dalawang driver at kanilang dalawang sakay ay pare-parehong nagtamo ng malalang sugat at pinsala sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.

Isinugod ang mga ito sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ang isa sa mga driver habang ang tatlo naman sakanila ay kasalukuyang ginagamot at inoobserbahan.

Dagdag naman ni Suarez, wala naman sa impluwensiya ng alak ang dalawang driver at kanilang sakay at tanging nakikitang dahilan sa head on collission ‌ng dalawang sasakyan ay ang pagputok ng goma sa gulong ng isang truck.

Samantala, nagpaalala naman ang opisyal sa mga motorista na i-check ng mabuti ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)