Nauwi sa malagim na krimen ang simpleng hindi pagkakaunawaan ng magkakamaganak sa barangay Rosario sa bayan ng Pozorrubio.
Ayon kay PMaj. Rommel Bagsic, COP Pozorrubio PNP, unang nag-amok ang tatlong biktima na noon ay nagiinuman at pinagtulung-tulungang bugbugin ang suspek nang ito ay dumating sa naturang lugar pero gumanti naman ito at nauwi sa pananaksak nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga biktima.
Agad namang nirespondehan ng kapulisan ang nangyaring stabbing incident at dinala ang mga biktima sa Pozorrubio community hospital subalit idineklarang DOA ang 17 anyos na anak ng kinakasama ng suspek habang sugatan naman ang 2 iba pang biktima na sina Rolly Libatino, 27 anyos na isang lineman at Andrew Nicko Barlolong, 27 anyos na kapwa mga residente ng Brgy Rosario ng nabanggit na bayan na kalaunan ay inilipat sa R1MC sa siyudad ng Dagupan.
Natukoy naman ang suspek na si Domingo Imbat,39 anyos , driver at live in partner ng ina ng nasawing menor de edad.
Katwiran ng suspek ay dinipensahan lamang nito ang kaniyang sarili.
Mayroon na ring inisyal na panayam sa dalawang biktima na tugma sa pahayag ng suspek at kalive in nito kung saan saad ng hepe na isa sa mga biktima ay nakapagbitiw ng salita na papatayin ang suspek kaya inunahan na ng suspek ang mga ito.
Dagdag pa ng hepe na isa sa ugat ng hindi pagkakaunawaan ng suspek at ng mga biktima ay dahil ayaw umano ng menor de edad na biktima sa suspek na kinakasama ng kaniyang ina.
Nabatid na sasampahan ng kasong frustrated murder ang suspek at kasong homicide dahil sa pagkakapaslang nito sa 17 anyos na anak ng kaniyang kinakasama.
Samantala, hindi narekober ang kitchen knife na ginamit ng suspek sa krimen dahil itinapon umano nito sa may tubig.
Kusa namang sumuko sa mga pulis ang suspek. Nakapaglagak na ito ng piyansang P120,000 para sa pansamantalang kalayaan nito sa kasong homicide at magbabayad pa rin ng piyansa para sa dalawa pang kaso ng frustrated murder .